Onto a New Route: Yong Makisig's unstoppable journey from being a driver to becoming an accountant

Mahigit tatlong taon nang mula ako’y makapasok bilang isang executive driver sa P&A. Naswertehan kong maging kauna-unahan dito. Ayon kay Miss Marivic Españo, dating CEO ng Firm, gusto niyang magkaroon ng sariling driver dahil siya ay malapit nang magretiro. Sa isang taon, ang ginagawa ko ay hinahatid siya sa meeting at pagkatapos ay babalik sa opisina.  

Bago pa lamang ako sa Firm ay nakikita ko na kung gaano kagaling ang mga empleyado nito. May anak din kasi ako na nagtapos ng Accountancy at nakikita ko sa kanila ang dinanas ng anak ko para makamit ang sariling pangarap. Naisip ko tuloy na kung hindi ako driver ngayon malamang ako’y CPA rin. Pagtapos ko ng high school ay BS Accountancy din ang aking naging kurso sa kolehiyo. 
Subalit sa ‘di inaasahang pangyayari, ako ay natigil sa pag-aaral dahil sa problemang pinansiyal. Napilitan akong magtrabaho upang  makatulong sa aming pamilya. Masakit ito para sa akin ngunit wala akong magawa. Pero ang sinabi ko sa sarili ko noon, balang araw, magtatapos din ako.  

Mula nang tumigil ako sa pag-aaral, tuwing buwan ng Mayo at Oktubre ay bumibili ako ng dyaryo para tingnan ang mga nakapasa sa CPALE. Tuwang-tuwa ako tuwing lalabas ang resulta nito. Ngunit sa kaloob-looban ko, doon ako nakararamdam ng lungkot at pagsisisi kung bakit hindi ako nakapagtapos. Para bang hinahanap ko ang pangalan ko sa listahan kahit alam ko namang hindi ako kasali doon.

Kaya naman, naging desidido ako, muling nag-alab sa aking puso na maisakatuparan ang matagal ko nang naisantabing pangarap. Bumuo ako ng plano kung paano pagkakasyahin ang aking sweldo at oras ko. Sa mabuting palad, natagpuan ko ang isang institusyon na nag-aalok ng pure online class. Self-paced learning ito kaya naman nakakapag-aral ako kung kailan maluwag ang iskedyul ko.

Agad ay nag-enrol ako.  Hindi ko muna sinabi sa pamilya ko na ako’y bumalik sa pag-aaral dahil gusto ko silang sorpresahin pagdating ng aking graduation. Ngunit kapag masaya ka talaga, hindi mo maiiwasan na hindi ibahagi ang anumang magandang  nangyayari sa buhay mo. Ika nga, “A shared joy is double joy and a shared sorrow is half sorrow”. Matapos ang dalawang semester, sinabi ko sa kanila na ako ay nag-aaral muli. At mas lalo akong naging masaya dahil sa suportang natanggap ko mula sa kanila.

Sa gitna ng aking pag aaral, may mga ‘di maiiwasang pagsubok na dumarating. Ang laki ng mga naging adjustments ko sa pag-aaral. May mga termino sa accounting na hindi ko alam nung umpisa gaya ng Statement of Financial Position. Ang laki na pala ng naging mga pagbabago mula nung natigil ako sa pag-aaral. Ang oras na ginugugol ko naman sa pagpasok at pag-uwi sa bahay mula sa opisina ay inaabot ng humigit kumulang limang oras. Buti na lang nakahanap ako ng panandaliang matutulugan sa panahong iyon. Gano’n yata talaga ‘pag may pangarap ka, patuloy na lalanguyin ang pagsubok sa buhay upang matupad ito.

Nang malaman ng mga partners ng P&A na ako’y nag-aaral, binigyan nila ako ng scholarship. Bukod sa nakikita ko ang kabaitan nila, dito ko naramdaman na hindi lang pala “driver” ang tingin nila sakin kundi isang tao na may dignidad. Kaya sa bawat araw na papasok ako, hindi ko iniinda ang mahabang biyahe mula sa bahay ko sa Bulacan papunta sa opisina ng P&A.

Sa ngayon, ako ay nalipat na sa BPS bilang Finance Analyst. Hindi pa rin maalis sa isip ko na minsan akong nagsilbi sa Firm bilang driver. Alam kong marami pang mas mahirap na gawain ang darating sa akin sa pagpalit ko ng career pero nakahanda ako. Sa dami ng pinagdaanan ko, ngayon pa ba ako mangangamba?  I want to finish strong.  

Noong una, kapag may nagsasabi sa akin na nai-inspire sila sa ginagawa kong pagbabalik eskwela, hindi ako naniniwala. Nahihiya pa nga ako kasi pumapasok sa isipan ko na sa edad kong ito saka ko pa naisipan mag-aral muli. Pero kung babalikan ko ang dahilan ko, doon ko naiisip na ang dami ko na palang dinaanan para makamit ang pangarap na ito.  

Kailangan ko pa palang magsimula muli ng aking kwento sa panibagong pahina ng buhay ko para sa mga taong naniwala sa aking kakayahan, sa mga taong lihim na nagdarasal para sa aking tagumpay, sa mga taong tumulong sa akin sa paraang nalalaman nila at higit sa lahat, para sa aking sarili. Hindi para ipagyabang ang tagumpay na napala kundi para patuloy na magsilbing inspirasyon sa mga pinanghihinaan ng loob na lumaban sa hamon ng buhay.